Nagpasya ang binuong quad committee ng Kamara na imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ukol sa extrajudicial killings at implementasyon ng war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kasunod ng ibinunyag sa pagdinig ng testigo na si Leopoldo “Tata” Tan Jr., na iniutos umano ni dating Pangulog Duterte ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Tan na tumawag kay dating DPPF officer in charge Supt. Gerardo Padilla si dating Pangulong Duterte at sinabing congrats, job well done ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords.
Bunsod nito ay isinulong ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na imbitahan si dating Pangulong Duterte sa pagdinig upang sagutin ang naturang mga paratang.
Inaprubahan naman ito ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na siyang chairman ng Committee on Dangerous Drugs at pangkalahatang tagapangulo ng quad-committee.