Dating PRRD, naghain ng kaso laban sa DILG at PNP

Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Benhur Abalos Jr., at PNP Chief Rommel Franciso Marbil na patong-patong na asunto ang kanilang natanggap sa pagpupursigeng masakote si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy.

Sa press conference sa Camp Crame, sinabi nitong kinasuhan sya ng administrative case ng mga kasapi ng KOJC sa Davao RTC gayundin ng violation of domicile, interruption of religious worship, offending the religious feelings, grave threat at conduct unbecoming of a public officer.

Maliban dito, nagsampa rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 2 counts ng malicious mischief kina Abalos, Gen. Marbil at ilan pang police officials.


Nabatid na si Duterte ang bagong administrator ng KOJC properties kung saan ang malicious mischief ay isinasampa kapag nagkaroon ng destruction o pagkasira ng mga ari-arian.

Inihain ang 2 counts ng malicious mischief sa Davao RTC Branch 15.

Matatandaang hinalughog ng mga awtoridad ang nasa 30 ektaryang compound ng KOJC sa Davao City kung saan nagpasok sila ng mga makabagong kagamitan tulad ng life at motion tracer, life detector equipment at proton elicit device na maaaring makapag-detect ng vital signs ng isang tao para mahanap ang puganteng pastor.

Ayon kay Abalos, bahagi ito ng kanilang trabaho at haharapin na lamang nya ang mga kaso sa hukuman.

Facebook Comments