Patuloy pa ring hinahanap para arestuhin ng mga tauhan ng Senate Sergeant-at-Arms si dating Procurement Service of the Department of Budget Management (PS-DBM) OIC Lloyd Christopher Lao.
Kaugnay nito ay nagpadala ng liham si Lao kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na humihiling na bawiin ang contempt at arrest order laban sa kanya.
Binigyang-diin ni Lao sa liham na palagi naman siyang dumadalo sa pagdinig ng komite ukol sa umano’y mga iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies.
Pero reklamo ni Lao, hindi naging maganda ang pagtrato sa kanya sa pagdinig kung saan siya ay iniinsulto, pinapahiya, pinagagalitan, hinuhusgahan at tinatrato na parang kriminal na tinanggalan ng mga karapatan.
Nakasaad sa liham ang pangako ni Lao na haharap na sa imbestigasyon sa kondisyon na magiging maayos ang pagtrato sa kanya at rerespetuhin ang kanyang constitutional rights.
Sagot naman ni Senator Gordon, bago mapagbigyan ang hiling ni Lao ay kailangan muna nitong isuko ang sarili sa mga tauhan ng Senate Sergeant-at-Arms.