Kasunod nang pagkakadawit sa pagpatay sa modelo at businesswoman sa Davao city na si Yvonette Chua Plaza, mahaharap sa military charges si dating Presidential Security Group Chief Brigadier Gen. Jesus Durante III kasama ang kaniyang dating deputy na si Col. Michael Licyayo.
Ayon kay Philippine Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., kasalukuyan nang ini-evaluate ng provost marshal at judge advocate ang inihaing counter affidavit ng dalawang akusado.
Sinabi ni Gen. Brawner na nahaharap sa paglabag sa Article 96 o conduct unbecoming an officer and a gentleman at Article 97 o conduct prejudicial to good order and military discipline ng articles of war ang mga kasong kinaharap nina Durante at iba pang kasabwat.
Pero posible pa aniya itong madagdagan dahil sa nagpapatuloy pa ang pretrial investigation.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Philippine Army sina Durante at Licyayo habang gumugulong ang kanilang kaso.
Kung matatandaan, una nang tinukoy ng Davao PNP si Durante bilang mastermind sa pagpatay sa biktima kung saan ang deputy nitong si Licyayo ang bumaril nang malapitan sa biktima.