
Pinawalang sala ng Special General Court Martial ang dating commander ng Presidential Security Group ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagpatay sa negosyante at modelong si Yvonette Chua Plaza noong 2022.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, iginagalang nila ang desisyong inilabas ng court martial sa pag-acquit kay Gen. Jesus Durante III at apat na iba pa habang tatlo naman ang hinatulang guilty sa kaso kabilang ang gunmen na si Sgt. Delfin Sialsa Jr. at Corporal Adrian Cachero.
Binigyang-diin ni Dema-ala na ang proseso ay sumasalamin sa kanilang matibay na paninindigan sa pagpapatupad ng batas, patas na paglilitis at paggalang sa due process.
Maaalalang binaril si Plaza ng riding in tandem sa labas ng tinutuluyan niyang bahay sa Davao City kung saan si Gen. Durante na dating commander ng 1001st Infantry Brigade, ay nadawit bilang isa umano sa mga utak ng krimen.









