Nagpahayag ng kahandaan si dating Police Colonel Eduardo Acierto na tumestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamamagitan ng emisaryo.
Kaugnay ito sa umano’y maanomalyang transaksyon ng gobyerno sa paggamit ng pandemic funds.
Dahil dito ay pinagsusumite muna ng komite si Acierto ng sinumpaang salaysay na kanilang munang pag-aaralan bago magpasya kung papaharapin sa pagdinig si Acierto.
Magugunitang si Acierto ay kabilang sa mga inirekomenda ng Committee na kasuhan dahil sa pagkakasangkot sa drug smuggling noong 2018.
Samantala, pumalag naman ang komite sa sinabi ni Acierto na hindi sana naganap ang umano’y korapsyon na may kaugnayan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ito ay kung hindi hininarang ng komite ang report nya noon na nagsasangkot kay dating Presidential Economic Adviser Michael Yang at Allan Lim sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Paglilinaw ng Senate Blue Ribbon Committee, wala silang report na hinaharang.
Binanggit ng komite na nagpakita noon si Acierto ng kopya ng mga dokumento laban kay Yang pero hindi na ito lumitaw pang muli at hindi na rin nakipag-ugnayan ng hilingin ng komite na masuring mabuti ang nabanggit na mga dokumento.