Dating pulis na sangkot sa anomalya sa recruitment at reassignment ng mga pulis, arestado ng IMEG sa Pasay City

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police- Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG ang dati nilang kabaro sa ikinasang entrapment operation sa Metro Point Building sa Pasay City kahapon.

Sa ulat mula kay IMEG director Police Colonel Ronald Oliver Lee, hinuli si Beverly Banan matapos masangkot sa robbery-extortion.

Una rito nakatanggap sila ng mga sumbong na tumatanggap ng pera ang suspek kapalit ng mabilis na pagproseso ng recruitment, reassignment at promotion ng mga PNP personnel.


Paliwanag ni Lee, nanghingi ang suspek ng P40,000 hanggang P80,000 sa undercover IMEG officer na gustong mailipat sa ibang unit.

Nag-abot ng P40,000 na boodle money ang agent at matapos ang transaskyon ay dito na sya inaresto ng mga pulis.

Si Banan ay may ranggong Staff. Sgt. at natalaga sa Police Regional Office – Regional Human Resource and Doctrine Division bago mawala sa serbisyo noong 2013.

Nasa kustodiya na sya ngayon ng IMEG sa Camp Crame at nahaharap sa kasong robbery-extortion.

Ipinag utos naman na ni Lee ang mas malalim pang imbestigasyon sa modus ng suspek upang matukoy ang iba pang mga pulis na kasabwat nito.

Facebook Comments