Dating pulis na sangkot sa viral road rage na si Wilfredo Gonzales, dapat na humarap sa pagdinig ng Senado

Kailangang humarap sa imbestigasyon ng Senado si Wilfredo Gonzales, ang dating pulis na nagviral sa isang road rage incident matapos kasahan ng baril ang isang siklistang nakagirian sa kalye ng Quezon City.

Ayon kay Senator JV Ejercito, dapat talagang humarap sa imbestigasyon ng Senado si Gonzales dahil siya ang ‘principal character’ at makakatulong ito para makabuo ng batas para sa pagpapataw ng parusa sa napapadalas na road rage.

Ipinaalala ni Ejercito ang kahalagahan ng “road sharing” kung saan lahat ay may karapatan sa kahit saang lanes.


Bilang isang biker, sinabi pa ng senador na importante ring maging pasensyoso sa lahat ng pagkakataon upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.

Tiniyak naman ni Ejercito na walang dapat ikatakot ang siklistang naagrabyado ni Gonzales dahil susuportahan niya ito.

Batid din ng senador na malaking tulong ang kuhang video para matuklasan ang pang-aabuso pero may paalala ang mambabatas na maging maingat din sa pagbahagi ng mga kuhang video sa social media dahil siya mismo ay guilty matapos ma-i-share ang video ng hiwalay na road rage sa Makati kung saan ang lalaking nakaputi na mukhang nang-aagrabyado ay isa palang pulis at hinuhuli ang isang lalaki na nagpanggap na ISAFP agent na may dalang baril na walang lisensya.

Facebook Comments