Dating pulis sa viral road rage video, hindi sumipot sa pagdinig ng LTO; kaso, reresolbahin na

Inihayag ni Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) Acting Assistant Regional Director Hanzley Lim na submitted for resolution na ang kinahaharap na kaso sa ahensya ni Wilfredo Gonzales na isang dating pulis na tampok sa viral road rage video.

Sinabi ni Lim na hindi sumipot si Gonzales sa itinakdang pagdinig nitong alas-2:00 ng hapon kahapon, at sa halip ay kinatawan ito ng kaniyang anak at isinauli ang kaniyang lisensya may kaugnayan sa ipinataw na 90 araw na suspensyon sa kaniyang lisensya.

Base sa Shaw Cause Order (SCO) na nilagdaan ni LTO-NCR Director Roque Verzosa III na tinanggap ni Gonzales noong Agosto 28, kung saan sakaling mabigo na makapagsumite ng sinumpaang salaysay ay ituturing nang pag-amin sa mga akusasyong ipinaparatang sa kaniya.


Nakasaad sa SCO na inaatasan si Gonzales na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan sa apat na paglabag na sa ilalim ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, kabilang na reckless driving, obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle.

Nauna nang binigyang direktiba ni Mendoza ang LTO-NCR na madaliin ang resolusyon sa kaso nang hindi naaapakan ang karapatan ni Gonzales na sumailalim sa due process.

Ang pinakamabigat na parusang maaaring ipataw ng ahensya kay Gonzales ay habang buhay na nitong hindi magagamit ang kaniyang lisensya sa pagmamaneho.

Samantala, tumalima naman ang rehistradong may-ari ng KIA Rio sa kautusan ng LTO na magpaliwanag sa pamamagitan ng isinumite nitong sinumpaang salaysay at pagpapakita ng Deed of Sale na katunayang naibenta na nito ang sasakyan sa anak ni Gonzales.

Matatandaang inihayag ng LTO-NCR na nagpadala ito ng SCO sa rehistradong may-ar ng KIA Riro dahil sa mga kasong paglabag sa Section 28 o Reckless Driving at Section 48, Improper Person to Operate a Motor Vehicle ng RA 4136.

Naipaalam na rin sa tanggapan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang mga pinakahuling update hinggil dito.

Facebook Comments