Cauayan City, Isabela- Pinawalang-sala ng Sandiganbayan 4th Division si dating Santiago City Mayor Amelita Sison Navarro makaraang sampahan ito ng kaso ng kanyang matinding katunggali sa pulitika na si dating vice mayor Armando Tan.
Ito ay dahil sa sinasabing maanomalyang pagbili ng 15 piraso ng HPRFL NORINCO-CQ-A 5.56 Armalite rifle na umaabot sa halagang higit P1.7 milyon (P1,790,626.50) na hindi umano dumaan sa public bidding at walang otorisasyon mula sa Sangguniang Panlungsod.
Ayon kay dating Mayor Navarro, binili nya ang armas dahil nasa 20 piraso lang ang ginagamit ng kapulisan noong siya pa ang alkalde at halos sira-sira din ito.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Navarro, binili ang nasabing bilang ng mga baril gamit ang intelligence fund at sinasabing maaari itong gawin at hindi kailangang dumaan sa public bidding base sa DILG Memorandum Circular.
Giit ng dating opisyal, posibleng hindi matanggap ni Tan ang kanyang sunod-sunod na pagkatalo noon sa halalan kung kaya’t paraan aniya ito ng kanyang kalaban na maiba ang imahe sa nakararaming Santiagueño.
Matatandaang sinampahan ni dating vice mayor Tan ng kasong RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Navarro, dating General Services Officer Martha Pascual at yumaong Orestes Ferrer.
Nanungkulan si Navarro bilang alkalde at bise-alkalde sa loob ng 15 taon.
Samantala, ang katunggaling si Tan ay nakatatandang kapatid ng kasalukuyang Santiago City Mayor Joseph Tan.
Sa pagkakataong ito, hindi pa rin iniaalis ni Navarro ang kanyang sarili para muling manungkulan sa kabila ng kanyang edad.
Sinisikap naman ng news team na hingan ng pahayag si Tan kaugnay sa desisyon ng korte.