Dating SC Justice at opisyal ng PCG, iginiit na dapat galangin ang desisyon ng UNCLOS Arbitration sa West Philippine Sea

Muling iginiit nina dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela na dapat irespeto ng China ang desisyon ng UNCLOS arbitration sa usapin ng pinag-aagawan teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa Kapihan sa Manila Bay, iginiit ni Carpio na dapat kalabanin ang China sa paraan na ikapapanalo kaya’t sa UNCLOS tribunal dapat ito idaan imbis na sa armadong labanan.

Dagdag pa ni Carpio, tinatawagan niya ng pansin ang gobyerno ng Pilipinas na kung maari ay maghain muli ng panibagong kaso sa arbitration laban sa China.


Kumpiyansa si Carpio na sakaling matuloy ang arbitration case, paniguradong matatalo lang muli sa kaso ang China.

Suportado naman ito ni Commodore Jay Tarriela sa kabila ng patuloy na pagpapatibay sa coast guard, sinisikap pa rin ng Pilipinas na idaan sa maayos na usapan ang sitwasyon sa West Philippine Sea.

Samantala, kinumpirma rin ni Tarriela na nananatili pa rin ang ‘Monster Ship’ ng China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa partikular sa Escoda Shoal.

Aniya, naka-angkla pa rin ang dambuhalang barko at hindi tumutugon sa radio challenge ng Pilipinas kung saan patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon.

Facebook Comments