
Nadagdagan pa ang mga personalidad na iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa dalawa sa limang kasong ibinalik ng Office of the Ombudsman, sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na idinagdag sa respondents si dating Senador Bong Revilla.
Si Revilla kasi ang sinasabing proponent sa proyekto batay na rin sa nakalap na mga dokumento na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ.
Samantala, kinumpirma ng Justice Department na may mga susunod pang kaso na darating sa kanila kaugnay pa rin sa flood control projects.
Bukod kay Revilla, kasama rin dito si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na ayon kay Fadullon ay nagsilbi ring proponent ng iniimbestigahang proyekto.
Posibleng namang mailabas na rin sa susunod na linggo ang subpoena sa mga ito sakaling makumpleto na ang mga dokumentong kinakailangan mula sa NBI.









