Hindi na ikinagulat ni dating Sen. Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang inanunsyo ni Vice President Leni Robredo na siya ay sasabak sa presidential race sa 2022 elections.
Sa isang media statement sinabi ni Marcos, alam niya na lalaban si Robredo bilang pangulo dahil bukambibig na nito ang pagtakbo kapag nagdesisyon siya na lumaban.
Para kay Marcos, maraming kandidato, mas maraming pagpipilian ang tao base sa kakayahan at karanasan.
Duda ang dating senador, hindi naman talaga pagseserbisyo ang nais ni Robredo kundi lumalabas ito para tapatan siya at tiyakin na walang Marcos ang makakabalik sa Malakanyang.
Sa mga nagdaang pahayag ng bise presidente, naging bukambibig niya na kung sakaling lalaban si dating Sen. Marcos ay lalabanan din niya ito at hindi hahayaan na humaba pa ang kapangyarihan ng mga Duterte.