Kumpyansa si dating Senator Leila de Lima na mapapawalang sala siya sa lahat ng gawa-gawang kaso na isinampa sa kanya ng dating administrasyong Duterte.
Ngayong araw ay inanunsyo ng legal counsel ni De Lima na pinawalang sala ng Muntinlupa Regional Trial Court ang dating senadora sa isa sa natitirang dalawang drug cases na isinampa laban sa kanya.
Sa statement na ipinadala ni De Lima, wala aniya siyang pagdududa na sa huli ay tuluyan siyang mapapawalang sala sa mga kaso batay na rin sa merito at tibay ng kanyang pagiging inosente.
Nagagalak si De Lima dahil sa pangalawang pagkakataon na na-acquit siya mula sa tatlong kasong isinampa ay hudyat ito na nalalapit na ang kanyang paglaya mula sa anim na taong pagkakakulong.
Nagpasalamat si De Lima sa mga taong naniwala, hindi nang-iwan, sumuporta at nagdasal para sa kanya sa mga nakalipas na taon.
Nalulungkot lamang ang dating senadora dahil sa tagal ng kanyang pagkakabilanggo ay marami na siyang kaanak at kaibigan na hindi na muling makikita sa oras na siya ay makalaya na.
Samantala, pinuri naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang korte kasunod ng naging desisyon sa kaso ni De Lima dahil sa pagiging totoo sa kanilang mandato na ibigay ang hustisya ng walang takot at walang pagpabor.