Dating Sen. Trillanes, kumpiyansang mapaparusahan si dating Pangulong Duterte at Sen. Bong Go sa inihain niyang reklamong plunder sa DOJ

Nagsampa na ng reklamong plunder si dating Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice DOJ kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbibigay ng kontrata sa tatay at kapatid ni Senador Bong Go.

Sa 30-pahinang reklamo ni Trillanes na isinumite sa DOJ, sinabi niya na 184 na kontrata ang ibinigay ng nakalipas na administrasyon kina Deciderio Lim Go at Alfreso Armero Go, na tatay at kapatid ng senador.

Umabot daw sa ₱6.6 billion ang halaga ng kontrata na nakuha ng mga Go sa kabila na hindi kuwalipikado ang mga ito dahil sa limitadong kakayanang pinansiyal at operational capacity.


Bukod pa ito sa kabiguang matapos ng kompanya ng mag-amang Go ang hinawakan nilang mga proyekto ng gobyerno.

Sinabi pa ni Trillanes na posibleng madamay rin ang ibang malalaking kompanya na kasama o kasabwat ng pamilya Go.

Pinaliwanag naman ng dating senador na sa DOJ siya naghain ng reklamo at hindi sa Ombudsman dahil sa madali ang access nito sa mga dokumento at impormasyon na magmumula sa kaukulang mga ahensiya ng gobyerno para sa imbestigasyon sa isyu.

Facebook Comments