Dating Senador Bong Revilla, pinayagang makalabas muli ng kulungan

Manila, Philippines – Pinayagan ng Sandiganbayan 1st division si dating Senador Bong Revilla Jr. na makalabas ng kulungan para dalawin ang maysakit na ama na si dating Senator Ramon Revilla Sr.

Ang ama ng dating senador ay nasa St. Luke’s sa Taguig at nakatakdang sumailalim sa operasyon sa puso sa June 19.

Sa dalawang pahinang resolusyon na pirmado nila Justices Efren dela Cruz, Edgardo Caldona at Lorifel Pahimna ay pinapayagan si Revilla na dumalaw sa ospital sa Hunyo 19 mula alas sais hanggang alas dyes ng umaga at Hunyo 20 mula alas onse ng umaga hanggang alas tres ng hapon.


Sa paglabas ni Revilla sa kulungan ay sagot nito ang lahat ng gastusin, ipinagbabawal ang mga electronic gadgets at bawal din ang media interview.

Ang dating senador ay nauna na rin pinayagan ng korte na bisitahin ang kanyang ama noong Disyembre 16, 28 at 29 noong 2016 at Pebrero 7 at Marso 8 ng taong kasalukuyan.

Si Revilla ay nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay sa pork barrel scam kung saan kapwa akusado niya si Janet Napoles at kasalukuyang nakapiit sa PNP custodial center sa Camp Crame.

Facebook Comments