Dating senador Eddie Ilarde, pumanaw sa edad 85

Pumanaw sa edad 85 ang dating senador, television at radio broadcaster na si Edgar “Eddie” Ilarde.

Ayon sa mga kamag-anak nito, namatay si Ilarde alas-11:40 ng umaga nitong Martes sa kaniyang tahanan sa Makati City.

Agad namang ike-cremate ang labi ng dating senador.


Marami namang nagpaabot ng simpatya at pakikiramay sa mahal sa buhay ni Ilarde lalo na sa social media.

Nakilala si Ilarde bilang host sa ilang programa sa telebisyon tulad ng noon-time variety show na “Student Canteen” na tumagal mula 1950 hanggang 1990, mga programa sa radyo gaya ng “Kahapon Lamang,” maging ang “Dear Kuya Eddie” at “Napakasakit, Kuya Eddie” noong dekada ’80 na ginawan ng kanta at inawit ni Roel Cortez.

Nagsilbi rin siyang konsehal sa Pasay City mula 1963 hanggang 1965 at naging assemblyman sa Interim Batasang Pambansa.

Naging senador si Ilarde sa 7th Congress mula 1970 hanggang 1973.

Facebook Comments