Dating Senador Marcos, naghain ng Motion for Reconsideration hinggil sa pagkakabasura ng poll protest laban kay Vice President Leni Robredo

Naghain ng Motion for Reconsideration si dating Senador Bongbong Marcos hinggil sa naging desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura ang poll protest nito laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa mosyon na inihan ng kampo ni Marcos, iginiit nila na nagkamali ang Korte Suprema na umaakto bilang PET sa naging desisyon nito.

Katiwaran ng dating senador sa inihaing mosyon na taliwas ang desisyon ng PET na insufficient o kulang ang batayan ng kanyang reklamo.


Kontra raw ito sa nauna nang pagpayag ng PET sa protesta ni Marcos na humihiling nang pagpapawalang-bisa sa resulta ng eleksyon.

Hindi rin daw nabigyan ng pagkakataon ang kampo ni Marcos na makapaglabas ng mga ebidensiya.

Sa mensahe naman ni Atty. Vic Rodriguez, Abogado at Tagapagsalita ni Marcos, kinumpirma nito na inihain nila ang mosyon kahapon at maglalabas sila ng opisyal na pahayag hinggil dito.

Matatandaan na Pebrero 2021 ng nagkaisa ang mga mahistrado sa desisyong ibasura ang protesta ni Marcos kontra kay Robredo, na limang taon nang nakabinbin.

Facebook Comments