Positibo sa COVID-19 si dating senador ferdinand Bongbong Marcos Jr., ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Victor Rodriguez.
Dumating aniya si Marcos galing Europa noong Marso 14, 2020 at agad nagtungo sa isang ospital dahil sa nararanasang pananakit ng dibdib pero sa sobrang dami ng pasyente noon ay nagpasya itong umuwi.
Ayon kay Atty. Rodriguez, ang tanging pagkakataon na muling lumabas si dating Senador Marcos mula sa kanyang silid ay noong Marso 22, 2020 para magtungo sa emergency room ng kaparehong ospital makaraang siya’y makaranas ng hirap sa paghinga.
Sa nabanggit na petsa rin siya isinailalim sa COVID-19 test at pinayuhang mag-self quarantine.
Sabi ni Atty. Rodriguez, simula noong Marso 13, 2020 hanggang ngayon ay sinusunod ng dating senador ang health protocol sa mga PUI at taimtim at tahimik niyang tinupad ang ipinaiiral na proseso ng gamutan, ‘tulad ng safety mask at self-quarantine.
Diin ni Atty. Rodriguez, bumubuti na ngayon ang kondisyon ni dating Senador Marcos.