
Karangalan para kay dating Senator Francis Tolentino ang pagpapataw sa kanya ng China ng sanction o parusa dahil sa mga pahayag at hakbang sa mga isyu at ginagawa ng gobyerno ng China laban sa Pilipinas.
Dahil dito, pinagbawalan si Tolentino na makapasok sa mainland China, Hong Kong, at Macao at tinawag siyang isa sa mga “anti-China” politician.
Ayon kay Tolentino, tinatanggap niya ang parusa ng China na nag-ugat sa kanyang pagtatanggol sa karapatan, dangal, at soberenya ng sambayanang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Iginiit ng dating senador na ipagpapatuloy niya ang paglaban na nararapat sa bansa kasama ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard (PCG), at ang mga matatapang na mangingisda.
Binigyang-diin ni Tolentino na walang pwersang dayuhan ang makakapagpatahimik o makakabawas sa determinasyon niyang ipaglaban ang soberenya ng Pilipinas.
Mababatid na sa mga nakalipas na pagdinig sa Senado ay pinangunahan ni Tolentino na noo’y Chairman ng Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones ang mga pagsisiyasat laban sa China kung saan nabulgar ang pagbabayad umano ng Chinese embassy sa mga troll farms para magpakalat ng maling impormasyon at propaganda sa West Philippine Sea na pabor sa China at imbestigasyon sa mga natuklasang under-water drone na nakuha sa iba’t ibang bahagi ng bansa na mula sa China.









