Ipinagtanggol ni dating Senator Ping Lacson si Senator Nancy Binay tungkol sa isyu ng paglobo ng halaga ng pagpapagawa ng New Senate Building sa Taguig City na sinasabing lumobo na sa P23 billion mula sa inisyal na mahigit P8 billion.
Si Binay ang naunang chairperson ng Senate Committee on Accounts na naging in-charge sa gastusin para sa pagpapatayo ng lilipatang bagong gusali ng mataas na kapulungan.
Paliwanag ni Lacson, karamihan ng mga isyu na lumulutang ngayon kaugnay sa konstruksyon ng NSB ay itinuturo sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Lacson, noong siya pa ang Chairman ng Senate Committee on Accounts, palagi rin silang may pagtatalo ng DPWH at ito ay kaugnay sa hindi pagkakasundo sa variation orders at ilang pagbabago sa pagpapatayo ng gusali na inilalatag sa kanila ng ahensya.
Nakausap din ng dating senador ang kanyang mga tauhan na naging tauhan din ni Binay sa Accounts at aniya, pareho rin ang mga problemang kinahaharap kaya wala aniya siyang pagdududa sa determinasyon at paninindigan ni Binay para matapos ng maayos ang Senate Building.
Sinabi ni Lacson na sa katunayan ay kinontra ni Binay ang Progress Billing No. 17 na ayaw bayaran ng senadora dahil nagdesisyon ang DPWH sa pamamagitan ng contractor na Hillmarc na bawasan ang height ng ceiling sa main building na wala naman sa napagkasunduang specifications.
Iginiit naman ni Lacson na bagama’t ayaw niya magturo may mga pagkakataon na mapipilitan ang Senado na mamili dahil kung hindi ay posibleng ma-delay ang proyekto kapag hindi napagbigyan ang hinihinging variation.
Umapela ang dating senador na maging bahagi rin sana ito ng ginagawang review ng Senado sa ilalim ng bagong Committee on Accounts Chairman na si Senator Alan Peter Cayetano.