Nagbabalak si dating Senator Antonio Trillanes IV na kumandidato sa pagkapangulo sa 2022 elections kung hindi sasabak sa pagkapangulo si Vice President Leni Robredo.
Sa impormasyon ni Trillanes ay kakandidato bilang gobernador ng Camarines Sur si Vice President Leni.
Ayon kay Trillanes, ang kanyang plano ay ipinabatid na niya at ng kanyang grupong Magdalo sa 1-Sambayan para makasama siya sa selection process.
Nilinaw naman ni Trillanes na hindi niya hinahati ang oposisyon dahil tiyak naman na isa lang ang magiging latag ng mga kandidato ng 1-Sambayan na kapwa nila susuportahan at ikakampanya ni VP Leni.
Tiniyak din ni Trillanes na iaatras niya ang kanyang plano kapag nagpasya si Robredo na kumandidato sa pagkapangulo.
Para kay Trillanes, ang 2022 presidential elections ay magiging pinakamahalagang halalan sa kasaysayan ng Pilipinas simula noong 1986 dahil hindi lang ang demokrasya natin ang nakasasalay kundi ang survival ng bansa.