
Pahaharapin sa gaganaping pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa maanomalyang flood control projects sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.
Ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa mga ghost infrastructure projects ay itatakda sa November 14.
Ayon sa magbabalik na Chairman ng komite na si Senate President pro-tempore Ping Lacson, idadaan ang imbitasyon kay Romualdez kay House Speaker Faustino Dy bunsod ng umiiral pa rin na inter-parliamentary courtesy.
Kung matatandaan, sina Romualdez at Co ang isinasangkot sa anomalya ng flood control at sinasabi pang hinahatiran ng male-maletang kickback mula rito sa kanilang mga tahanan.
Samantala ang imbitasyon naman sa sinasabing hindi na matagpuan na si dating Marine Technical Sergeant Orly Regala Guteza ay ipapadala kay Senator Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor dahil sila ang naging intrumento o daan bakit ito naiprisinta at nakapagbigay ng testimonya noong una sa House Blue Ribbon Committee.









