Kung si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ang tatanungin, mas makabubuti para sa Kamara na tapusin na lamang ni Taguig Representative Alan Peter Cayetano ang kaniyang termino bilang Speaker.
Ayon kay Alvarez, bago pa lamang maghalal noon ng bagong Speaker, malinaw umano niyang sinabi na hindi siya sang-ayon sa napagkasunduan na paghahati sa termino nila Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Paliwanag ng dating lider sa Kamara, ang pagtatalaga ng Speaker ay para sa kapakanan ng bansa at hindi lamang dahil gustong pagbigyan ang isang tao na maging Speaker.
Dapat aniyang iwasan ang hindi pagkakasunduan na dulot ng term-sharing upang solid ang Mababang Kapulungan at masusuportahan ang lahat ng legislate measures ng administrasyon.
Paglilinaw pa ni Alvarez, wala siyang pinapanigan sa dalawa dahil si Velasco ay kaniyang partymate sa PDP-Laban.
Dagdag ng kongresista, ang sa kaniya lamang ay kung sino ang napili ay patapusin na lamang sa termino lalo pa’t patapos na rin ang taon at sa susunod na taon ay maghahain na rin ng Certificate of Candidacy (COC).