Dating staff ni Senator Bong Go na may kinalaman sa pagbibigay ng reward sa ilalim ng war on drugs, ipatatawag ng House Quad Committee

Ipatatawag at pahaharapin sa imbestigasyon ng House Quad Committee si Muking o Irmina Espino na dating tauhan ni Senator Christopher Bong Go sa Davao City Hall noong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang alkalde ng lungsod.

Ang pagpapatawag kay Muking ay isinulong ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.

Ito ay makaraang ibunyag ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at retired PCol. Royina Garma na si Muking ang umano’y pinanggagalingan ng pera na ibinibigay na reward sa mga pulis na nakapapatay ng drug suspect sa ilalim ng war on drugs ni Duterte.


Sabi ni Garma, nagtrabaho rin si Muking bilang assistant secretary habang si Go ay Special Assistant to the President.

Ayon kay Garma, si Muking ang nagpapadala ng pera kay Peter Parungo, na siyang namamahala sa pondo na ibinibigay na reward sa mga pulis at pambayad sa kanilang mga gastusin sa operasyon.

Facebook Comments