Dating Sulu Vice Governor at Sulu Mayor, pinasasampahan ng kaso sa Sandiganbayan

Manila, Philippines – Pinasasampahan na ng kaso sa Sandiganbayan sina dating Sulu Vice Governor Abdusakur Tan at anak na si Maimbung, Sulu Mayor Samier Tan kaugnay sa hindi pagsusumite ng kanilang mga Statement of Assets Liabilities and Networth.

Base sa kautusan na pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio- Morales, kinakitaan ng probable cause para sampahan ng limang bilang ng paglabag sa Section 8 ng RA 6713 ang nakakatandang Tan habang dalawang bilang naman sa anak nito.

Ibinasura naman ng Ombudsman ang reklamo laban kay Sulu Governor Abdusakur Tan II dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya pero inatasan ni Morales ang Office of the Deputy Ombudsman for Mindanao na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing tagong yaman nito.


Lumalabas na lomobo ng halos P30M ang cash na nakadeposito kay Tan II mula sa dating P1.8M noong 2013 at naging P31M noong 2014.

Si Tan II ay nagsumite ng unverified SALNs para sa taong 2013 at 2014 habang hindi naman naghain ng SALN ang nakakatandang Tan mula ‎2001-2004 at ‎2007-2012.

Si Samier Tan naman ay hindi nagsumite ng SALN noong 2010 at 2011.

Dahil dito, iniaayos na ang mga patung patong na kasong isasampa laban sa mga dating opisyal ng Sulu sa Sandiganbayan.
DZXL558

Facebook Comments