Dating Sumuko sa Oplan Tokhang, Huli sa Buybust Operation!

Nakatakdang sampahan ngayong araw ang dating sumuko sa Oplan Tokhang matapos mahuli sa isinagawang drug buybust operation ng pulisya sa Barya Subdivision Washington Street, Brgy. Osmena, Solano, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang nahuling si Ariezeus Alayu, 41-anyos, traysikel drayber, hiwalay sa asawa at residente ng Bonifacio Street, Brgy. Poblacion North, Solano, Nueva Vizcaya.

Nasamsam sa pag-iingat ni Alayu ang isang pakete ng pinaniwalaang shabu at marked money na P500 na ginamit ng nagpanggap na poseur buyer na pulis.


Matapos na mahuli ang suspek ay nasamsaman pa sa kanyang pag-iingat ang posporo, dalawang pakete ng pinaniwalaang shabu, isang pakete ng sigarilyo na naglalaman ng tatlong pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana at Honda TMX 125 na ginagamit sa transaksyon ng suspek.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj. Emmanuel Gomez, hepe ng Municipal Police Station ng Solano, habang sila’y nagsasagawa ng pakikipag-ugnayan sa mga tokhang respondent dakong 5:20 kahapon ay napag-alaman na muling bumalik sa pagbebenta ng illegal na droga si Alayu kaya’t agad na ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkakahuli nito.

Ayon pa kay P/Maj. Gomez isa siya sa mga nag-oorganized sa pagbebenta ng droga sa naturang bayan.

Nahaharap ngayon si Alayu na may kinalaman sa kasong R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Facebook Comments