
Buo na ang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure na itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siyang mag-iimbestiga sa mga anomalya sa flood control.
Itinalaga ng pangulo si dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr., bilang pinuno ng Independent Commission for Infrastructure o ICI na dating presiding judge ng Court of Appeals at may magandang record sa kaniyang karera.
Makakasama ni Reyes sina Commissioners Rogelio Singson at Rosanna Fajardo habang magiging tagapayo si Baguio City Mayor Benjie Magalong.
Ayon sa pangulo, agad na sasabak sa trabaho ang ICI ngayong araw upang ayusin ang istruktura ng komisyon.
Magkakaroon ng subpoena powers ang ICI na sisiyasat sa mga proyekto ng nakalipas na sampung taon batay sa ulat ng Commission on Audit.
Nilinaw rin ng pangulo na hindi kailangan ng contempt powers ang ICI dahil ito ay imbestigador lamang at hindi taga-usig.









