Inirekomenda ng isa sa mga dating Supreme Court Justices na magpasa ng bagong batas ang Kongreso para makapagbigay ng malinaw na sistema para sa People’s Initiative.
Kasama sa inimbitahan sa pagdinig ng Senado patungkol sa suhulan sa signature campaign sa kontrobersyal na People’s Initiative ay si dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna Jr.
Batay sa opinyon ni Azcuna, dapat na magapruba na ang Kongreso ng bagong batas na ipapalit sa Republic Act 6735, kung saan ito ang batas na itinuring ng Korte Suprema na ‘insufficient’ sa pagkakaroon ng malinaw na sistema para sa people’s initiative at referendum.
Giit ni Azcuna, batay sa Konstitusyon, kinakailangang magpatibay muna ang Kongreso ng batas upang maipatupad o magawa ang initiative.
Punto pa ng dating Associate Justice, ang Kongreso ang may mandato na magpasa ng batas salig na rin sa prinsipyo ng constitutional law at hindi ito maaaring gawin ng Commission on Elections (COMELEC).
Dagdag pa ni Azcuna, ang ibinibigay lamang ng Konstitusyon sa Comelec ay kapangyarihan na magpatupad ng batas at hindi kasama rito ang pagkumpleto, pagwawasto at pagpuno sa kakulangan ng batas.