
Bubuwagin na ng Malacanang ang Office of the Special Adviser for Economic and Investment Affairs (OSAPEIA), ang tanggapan na dating pinamunuan ni Sec. Frederick Go na ngayo’y kalihim ng Department of Finance (DOF).
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Atty. Claire Castro, hinihintay na lang mailabas ang opisyal na dokumento para pormal na lusawin ang OSAPEIA.
Hindi naman aniya maaantala ang mga trade agreement ng Pilipinas kahit walang OSAPEIA, dahil Department of Trade and Industry (DTI) naman ang may hawak sa teknikal at substantial na aspeto ng mga negosasyon.
Dagdag pa ni Castro, si Sec. Go na ngayon ang uupo sa DOF kaya mas magiging diretso ang koordinasyon at pagtutulungan ang DTI at DOF sa pakikipagkasundo at kooperasyong pangkalakalan sa iba’t ibang bansa.









