Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan na ilapit sa interes ng mga kabataang Pilipino ang space technology.
Sa Malacañang Insider, sinabi ni Philippine Space Agency (PhilSA) Director General Joel Mariano Jr. na nais ng pangulo na maipaunawa sa mga Pilipino ang mga benepisyong mula sa space technology na tutugon sa maraming programa ng pamahalaan.
Halimbawa rito ang datos mula sa space satellites na magagamit na gabay sa mga polisiya kaugnay ng disaster risk reduction, environment protection, maritime domain awareness, at agrikultura.
Matutukoy rin nito ang direksyon ng mga paparating na bagyo para sa mas mabilis na pag-responde at malalaman din ang mga lugar na maaapektuhan ng tagtuyot.
Sa kaso naman ng oil spill sa Bataan, nabuo ang models na nagpakita kung nasaang bahagi ng karagatan ang langis at ang patutunguhan nitong direksyon.
Iginiit ni Marciano na magiging malaking pakinabang ang satellite technology sa Pilipinas na isang archipelago at may libu-libong isla, para sa mas mabilis at maayos na paghahatid ng mahahalagang datos.