Datos ng NDRRMC at DA hinggil sa epekto ng El Niño, magkaiba

Hindi tugma ang datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Department of Agriculture (DA) sa halaga ng pinsala ng tagtuyot sa ilang probinsya.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, pumalo na sa P2.6 bilyon ang agriculture damage dahil sa tuyong-tuyong lupain sa mga bahagi ng bansa.

Aniya, base ang kanilang komputasyon sa mga halagang ibinigay ng mga probinsiya.


Pinakaapektado aniya rito ang Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Western at Northern Samar, Negros Occidental, Iloilo, Antique, Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani at Basilan.

Pero giit naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol, susuriin muna nila ang mga ibinigay na datos ng mga lokal na pamahalaan.

Sa kanila kasing komputasyon, P1.3 bilyon lang ang kasalukuyang pinsala.

Posible aniyang pinalobo lang ng mga lokal na pamahalaan ang halaga ng pinsala upang makulimbat nila ang calamity funds at magamit ito sa halalan.

Nabatid na bawal na kasing mag-release ng pondo para sa ilang proyekto ang mga lokal na opisyal sa panahon ng halalan, pero depende kung kinakailangan sa panahon ng kalamidad.

Dahil dito, tiniyak ng dalawang ahensya na lilinisin at paplantsahin nila ang mga datos bago magbigay ng ulat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Facebook Comments