Davao City Mayor Sara Duterte, umanib na sa Lakas-CMD party

Matapos kumalas sa partidong Hugpong ng Pagbabago (HNP) ngayong araw, pormal nang nanumpa bilang bagong miyembro ng Lakas- Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) si Davao City Mayor Sara Duterte.

Ginawa ni Mayor Duterte ang paglipat ng partido sa gitna na rin ng mga espekulasyon na tatakbo ito sa mas mataas na pwesto.

Nanumpa si Mayor Duterte sa harap nila Lakas-CMD President at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.


Ayon kay Romualdez, nagagalak ang mga opisyal at miyembro ng partido na pinili ni Mayor Sara ang Lakas-CMD.

Matagal na aniya nilang nililigawan ang alkalde na sumali na sa kanilang partido dahil bilib sila sa uri ng leadership at work ethics nito sa Davao.

Ang panunumpa ni Mayor Duterte bilang bagong myembro ng Lakas-CMD ay ginawa sa parehong venue ng kasal ng anak ni Revilla na si Gianna kung saan principal sponsor din ang mayor.

Facebook Comments