Wala pa ring balak umanib sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP–Laban) si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ito ay matapos sabihin ni PDP-Laban President at Energy Secretary Alfonso Cusi na posibleng itulak ng partido ang Sara-Bong Go tandem sa 2022 elections.
Ayon sa tagapagsalita ng alkalde na si Liloan Cebu Mayor Christina Frasco, walang intensyon ang presidential daughter na maging miyembro ng PDP-Laban na siyang partido ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Habang wala rin aniya itong balak na maging standard bearer sa anumang pagkakataon.
Sa ngayon, isang opisyal na ang umalis na sa PDP–Laban at ito ay si Emmanuel Piñol na chairman ng Mindanao Development Authority (MinDA).
Nilisan ni Piñol ang partido bilang paghahanda sa pagtakbo bilang senador sa Eleksyon 2022.
Kaugnay naman sa paghahanda sa eleksiyon ay nagbitiw na rin bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) si Mark Villar na hindi naman sinabi ang tunay na dahilan ng pagbibitiw.
Matatandaang una nang inamin ng partidong PDP-Laban na tatakbo sa eleksiyon si Villar na hindi naman kinumpirma ng kalihim.