Davao City, naungusan na ang Metro Manila pagdating sa naitatalang COVID-19 cases

Nakapagtala ang Davao City ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 kung saan naungusan na nito ang mga lungsod sa Metro Manila at iba pang Local Government Units (LGUs).

Batay sa OCTA Research Group, mula June 21 hanggang June 27 nakapagtala ang Davao City ng 263 daily average ng COVID-19 cases na nagresulta sa 93% Intensive Care Unit (ICU) utilization rate, na siyang pinakamataas mula nang magsimula ang pandemic.

Ang hospital bed utilization rate sa Davao City ay umabot na 70% habang sa Tacloban ay nasa critical level na 88 percent.


Ayon pa sa OCTA Research, ang COVID-19 infection ay bumaba na ng 9% sa buong Metro Manila kung saan mula June 21 hanggang 27 ay 667 ang naitalang bagong kaso kumpara sa 731 cases noong June 14 hanggang 20.

Patuloy naman inirerekomenda ng OCTA Research ang pagsasailalim sa Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) bunsod na rin ng low vaccination rate coverage at patuloy na pagtaas ng kaso sa labas ng rehiyon.

Pinapayuhan din ng OCTA ang bansa na maging “Delta-ready,” dahil sa posibilidad na pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 na maaaring magpabulusok muli sa mga kaso kung hindi makokontrol.

Facebook Comments