Malaki ang pag-asa na maging Speaker ng 18th Congress si Presidential Son at Davao City Rep. Paolo Duterte sakaling totohanin nito ang pagtakbo bilang Speaker.
Iginiit ni PDP-Laban Member at Albay Rep. Joey Salceda na sigurado ng may 300 boto agad ang nakababatang Duterte kung tutuloy ito sa speakership race.
Nakikita din ni Salceda na wala nang term sharing na magaganap at tiyak na aatras narin sa pagtakbo ang ibang speaker aspirants.
Matatandaan na matagal nang tumanggi sa Speakership post ang nakababatang Duterte at nagbanta na rin ang kanyang ama na magbibitiw na Pangulo ng bansa pero dahil sa pagpipilit na rin ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano sa “term-sharing” ay posibleng tumakbo na siyang Speaker ng Kamara.
Samantala, sa panig naman ng Partylist Coalition, sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na kasama na sa paguusapan sa kanilang susunod na caucus ang planong pagtakbo ni Polong sa Speakership.
Sinabi naman ni Partylist Coalition President at 1PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero na kung itutuloy ni Polong ang Speakership bid ay ito na ang susuportahan ng partido at isasantabi na ang ibang kandidato.