“No-show” si Presidential Son at Davao City Rep. Paolo Duterte sa annual meeting ng National Unity Party (NUP) sa kabila na imbitado ito sa pulong ng partido.
Nauna nang sinabi ni Deputy Speaker Roberto Puno na balak nila at gusto rin naman ng maraming kongresista na mabigyan ng posisyon sa partido si Duterte sa kabila na adopted member lamang ito ng NUP.
Pero sa line up ng mga nahalal na bagong opisyal ng NUP ay wala si Duterte dahil adopted member lamang ito.
Mananatili naman ang kanilang alyansa sa partido ni Cong. Duterte na Hugpong sa Tawong Lungsod.
Naihalal na rin ang mga bagong opisyal ng partido kung saan NUP President si Rep. Elpidio Bargaza Jr., na dating hawak ni Rep. Fred Castro na nagbitiw naman sa posisyon.
Si dating DILG Secretary Ronaldo Puno pa rin ang Chairman ng partido habang tumatayong Vice Chairman for Political Affairs ng partido si Manila Mayor Isko Moreno.
Dumalo rin kanina si Speaker Alan Peter Cayetano at humingi ng suporta sa mga miyembro ng partido para sa pagpapasa ng mga panukala ng administrasyon.