Sumailalim na rin sa 14-day self-quarantine si Davao City Representative Isidro Ungab.
Ito ay kasunod na rin ng pagsasailalim ni Davao City Mayor Sarah Duterte sa self-quarantine matapos ang kumpirmasyon sa kanila ng Commissions on Appointments sa Senado bilang Army Reservists na may ranggong Colonel at nakahalubilo si Senator Sherwin Gatchalian na na-expose naman sa isang resource person na positive sa COVID-19.
Ayon kay Ungab, bilang precautionary measure ay sinimulan na niya ang self-quarantine lalo pa’t naging lantad sila sa mga opisyal na nakasalamuha ng positibo sa COVID-19.
Ang self-quarantine aniya ang pinaka-responsable at dapat na gawin upang mapigilan ang pagkalat ng virus sakali mang nahawaan sila o naging carrier ng sakit.
Bagama’t naka-self quarantine, tiniyak naman ni Ungab na tuloy ang kanyang pagganap ng tungkulin sa mga constituents sa pamamagitan ng electronic communication.
Bukod kay Ungab, kabilang din si Transportation Secretary Arthur Tugade na na-expose sa nagpositibo sa COVID-19 na nagtungo sa Kamara para sa kanilang 2021 budget presentation nitong Martes.