Inanunsyo ni Davao City Representative at Presidential Son Paolo Duterte na aatras na siya sa kanyang kandidatura bilang susunod na Speaker ng Kamara sa 18th Congress.
Sa isang statement, kinumpirma ni Congressman Pulong na nakausap niya nitong Huwebes ng gabi ang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Dito ay napagkasunduan aniya na hindi pa ito ang tamang panahon para maging Speaker ang nakababatang Duterte at maaari pa rin siyang makatulong sa administrasyon sa ibang paraan.
Bilang presidente ng Hugpong sa Tawong Lungsod ay susuportahan umano ni Pulong ang speakership bid ni Davao City Representative Isidro Ungab mula sa kanilang sister party na Hugpong ng Pagbabago.
Dagdag pa ni Duterte, sinabihan na ang kanyang ama tungkol sa partisipasyon ni Ungab sa Speakership race sa Mababang Kapulungan.
Mababatid na ngayong Linggo lang nang ianunsyo ni Duterte na sasali na siya sa kompetisyon kasunod ng isyu sa term-sharing sa pagitan nina Marinduque Representative Lord Allan Velasco at Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano.