Manila, Philippines – Nadawit na rin ang pangalan ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa suhulan sa Bureau of Customs.
Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, natanong ni Deputy Speaker Miro Quimbo kay Customs broker Mark Taguba kung paano naisasaayos ang payola sa Import Assessment Service o IAS.
Sinabi ni Taguba na binanggit sa kanya ng isang Tita Nani, isang Jake at grupo sa IAS na kumokolekta sa kanya ng P10,000 na mayroon pang Davao Group ang nasa likod nito.
Dito aniya minsan nabanggit ang pangalan ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Gayunman, sinabi ni Taguba na maaaring nagagamit ang pangalan ni Vice Mayor Duterte dahil tsismis lamang ito sa kanya na umiikot din sa BOC.
Pumalag naman si Deputy Commissioner Milo Maestrecampo sa patuloy na pagkakadawit ng kanilang departamento sa isyu ng payola.
Duda ito na may grupo na tinamaan ng mahigpit na monitoring nila kaya gustong masira ang IAS.
Kumambyo naman si Taguba sa ginawang pagtuturo sa mga BOC officials na sinasabing nakatanggap ng suhol sa kanya.
Paliwanag ni Taguba, ibig lamang niyang sabihin kaya itinuro ang mga BOC officials ay ang mga pinuno ng dibisyon sa Customs na pinupuntahan ng kanyang “tara” pero hindi direktang tumatanggap sa kanya.