Kinansela ng provincial government sa Davao de Oro ang klase sa lahat ng antas sa public at private schools sa nasabing probinsya dahil sa naramdamang sunod-sunod na pagyanig.
Kaugnay sa kanilang anunsyo, inatasan ni Davao de Oro Governor Dorothy Gonzaga ang lahat ng Local Government Units o LGU na suriin ang lahat ng school buildings at government structures nang masiguro ang seguridad ng mga empleyado at mga estudyante.
Sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ramdam ng Dabawenyos ang Magnitude 5.2 na lindol na yumanig kaninang alas 4:43 ng umaga.
Naitala din ang Magnitude 4.9 at 4.3 kaninang madaling araw kung kaya’t trauma ang naramdaman ng mga Dabawenyo gaya ng komento ng isang netizen na si Farriba Villegas kung saan aniya, hindi lang isa o dalawang beses niya naramdaman ang pagyanig kundi maraming beses.
Ayon naman sa PHIVOLCS, mga aftershock umano ito sa nangyaring Magnitude 6.0 na lindol sa Davao de Oro noong February 1, 2023.
Sa inisyal na report, wala naman naitalang casualties at pinsala.
Sa ngayon, patuloy pa ang assessment at monitoring ng otoridad kaugnay sa nasabing pagyanig.