
Inaprubahan na ng pamahalaang panlalawigan ng Davao del Norte ang pagsasailalim ng buong lalawigan sa state of calamity matapos ang sunod-sunod na lindol at mga aftershock na yumanig sa Manay, Davao Oriental na naramdaman din sa nasabing lalawigan noong Biyernes, Oktubre 10.
Ito ay kasunod ng ginanap na pagpupulong na pinangunahan ni Governor Edwin “Kuya Gob” Jubahib kasama ang mga opisyal ng lalawigan at si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex (DNSTC) sa Mankilam, Lungsod ng Tagum.
Ayon kay Vice Governor Clarice Jubahib, nagkaisa ang Sangguniang Panlalawigan at ang ehekutibong sangay sa nasabing desisyon upang mapabilis ang pag-apruba ng calamity fund at ang agarang pagpapatupad ng relief at rehabilitation efforts na direktang makikinabang ang mga naapektuhan ng lindol.
Samantala, iniulat ni Gov. Jubahib na umaabot na sa P755.365 milyon ang kabuuang pinsalang naitala, at patuloy pa rin ang isinasagawang assessment upang matiyak na maaabot ng tulong mula sa lalawigan at sa pambansang pamahalaan ang lahat ng apektadong bayan.









