
Pinawalang sala ng korte sa Maynila ang kasong multiple murder sina Davao City Police Office Chief Police Col. Hansel Marantan at 11 pang pulis na sangkot sa kontrobersiyal na operasyon sa Atimonan, Quezon noong 2013.
13 ang nasawi noon kabilang ang hinihinalang gambling lord na si Vic Siman at mga kasamahan nito.
Sa desisyon ni Presiding Judge Teresa Patrimonio-Soriaso ng Manila RTC Branch 27, pinawalang sala ang 12 na pulis sa kadahilanang ginawa ito alinsunod sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Patrimonio, “reasonable” ang ginawa ng mga pulis at sundalo noon dahil sa nakaambang panganib at ipinunto rin nito ang sinapit ni Marantan na nagtamo ng sugat dahil sa barilan.
Si Marantan na nagsisilbing deputy intelligence chief ng PRO 4-A noon ang team leader ng joint force at military team na nagbabantay sa checkpoint sa Maharlika Highway sa Atimonan.
Sinubukan umano ng convoy ni Siman na tumakas na nagresulta sa palitan ng putok ng baril
Pero nabalot ito ng kontrobersiya nang magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation at sabihing “rubout” ang nangyari.
Dinismiss ng PNP noon ang mga nasangkot pero ibinalik at pinayagang magpiyansa habang gumugulong ang kaso.
Bukod kay Marantan, abswelto na rin ng Korte ang iba pang pulis na sina Ramon Balauag, Grant Gollod, John Paolo Carracedo, Timoteo Orig, Joselito de Guzman, Carlo Cataquiz, Arturo Sarmiento, Eduardo Oronan, Nelson Indal, Wryan Sardea, at Rodel Talento.
Samantala, in-archive ng Korte ang kaso laban sa isa pang akusadong si PO2 Al Bhazar Jailani.









