Davao Region, panahon nang ideklarang tourism at investment destination – PBBM

Naniniwala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na dapat na rin ideklara ang buong Davao Region bilang tourism and investment destination kasunod ng deklarasyong insurgency free ang nasabing rehiyon.

Sa mensahe ng pangulo kahapon kaharap ang mga sundalo ng Eastern Mindanao Command (EASTMINCOM) at iba pang mga residente sa rehiyon ay binigyang-diin ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi natatapos sa deklarasyon lang ang pagkamit ng kapayapaan.

Dapat aniyang maalagaan ito at ibigay ang lahat ng kailangang suporta para walang maging rason na muling makapag-recruit ng mga miyembro ang mga rebeldeng grupo.


Sinabi pa ni PBBM, dahil maganda na ang peace and order situation sa buong rehiyon ng Davao sa tulong na rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ay makakamit na ang mga pakinabang na dala ng kapayapaan.

Umaasa rin ang pangulo na ang tagumpay ng Davao Region sa pagkamit ng kapayapaan ay matularan sa buong bansa para magkaroon din ang ibang Pilipino ng benepisyo sa pag-unlad.

Tiwala si Pangulong Marcos sa pagsasabing tunay na lupang pangako ang Mindanao at masisimulan na ang pagtupad sa pangakong ito.

Facebook Comments