Nagdesisyon na si Davao Representative at Presidential Son Paolo “Pulong” Duterte na magbitiw bilang Chairman ng House Committee on Accounts kasunod ng isyung loyalty check sa kanya ng ilang mga kaalyado sa House majority.
Para kay Pulong, hindi maliit na bagay ang ginawang loyalty check sa kanya ng ilang mga kaalyado sa House majority kaya naman sa halip na manatili sa pwesto ay nagdesisyon siyang bitawan na ang Chairmanship ng House Committee on Accounts.
Nabatid na noong nakaraang linggo pa maugong na nagpaalam si Pulong kay House Speaker Lord Allan Velasco na iiwan na ang makapangyarihang komite ngunit patuloy umanong hinihilot ng mga kaalyado ni Velasco ang mambabatas.
Ang desisyon ni Pulong na iwan ang accounts committee ay resulta ng kontrobersiyal na eksena sa selebrasyon ng kaarawan ni Velasco noong Nobyembre 9, sa nasabing pagtitipon ay sinabihan ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin si Pulong sa harap ng mga kaalyado nila na “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto” kung saan ang insidente ay humantong sa komosyon at awatan.
Hindi nagustuhan ni Pulong ang biro at sa nag-viral na Viber message na ipinadala nya sa mga kongresista ay sinabi nitong didistansya na sya sa ruling majority matapos na rin makuwestiyon ang kanyang loyalty, at ang tinuturing nitong pagdistansya ay ang pagbitiw nga sa posisyon.
Kahapon ay nakatakda sanang ihayag ng batang Duterte ang kanyang pagbibitiw sa sesyon sa Kamara ngunit hindi ito natuloy.