Davao River Bridge, bubuksan na sa mga motorista sa December 15 —PBBM

Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong Davao River Bridge sa Davao City na magpapabilis sa biyahe ng mga motorista lalo na ngayong paparating ang Kapaskuhan.

Bubuksan na sa publiko ang higit isang kilometrong tulay sa December 15.

Ayon kay Pangulong Marcos, malaking ginhawa ito para sa mga taga-Davao dahil iikli ang biyahe mula halos dalawang oras, magiging 20 hanggang 25 minutes na lang.

Pagdudugtungin ng tulay ang Brgy. 76-A Bucana at Brgy. Matina Aplaya, at makikinabang ang higit 14,000 motorista araw-araw.

Makakatulong din ito para mabawasan ang trapik sa lungsod.

Dagdag pa ng pangulo, isa lang ito sa apat na malalaking proyekto ng gobyerno sa Davao habang sa susunod na taon naman ay inaasahang matatapos ang Davao City Bypass Project.

Facebook Comments