Davao, Western Visayas, at Cordillera, tinukoy ng DOH na high-risk ng COVID-19

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nangunguna ang Davao, Western Visayas, at Cordillera sa high-risk ng COVID-19.

Ito ay dahil sa naitatalang mataas na Average Daily Attack Rate (ADAR) at Intensive Care Unit (ICU) occupancy rate.

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, ang ADAR sa nasabing tatlong rehiyon ay mas mataas sa pitong kaso sa bawat 100,000 katao.


Habang ang ICU utilization sa Region 11 ay pumalo na sa 81.41% ; 87.34% naman sa Region 6, at 68.54% sa Cordillera.

Sa kabila nito, nilinaw ni Dr. De Guzman na ang buong Pilipinas ay nananatiling nasa low-risk kung saan ang ADAR ay 4.88 cases sa bawat 100,000 na populasyon.

Habang ang two-week case growth rate ay negative 10%.

Ang average naman ng bagong infections kada araw ay bumaba sa 5,221 noong July 6 hanggang 12 mula sa 5,458 noong June 29 hanggang July 5.

Kinumpirma rin ni De Guzman na bumaba na ang COVID-19 cases sa NCR Plus o Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal.

Pero ang infections sa ilang bahagi ng Luzon ay bahagyang tumaas habang unti-unti namang bumababa ang kaso sa Visayas at Mindanao.

Gayunman, sa Metro Manila, nasa high risk ngayon ang Makati at San Juan matapos makapagtala ng mataas na kaso sa nakalipas na dalawang linggo.

Gayundin ang Muntinlupa, Mandaluyong, Manila, Malabon, at Navotas.

Sa Region 7 naman ay nakitaan ng pagtaas sa trend partikular sa Bohol, Cebu City, at Lapu-Lapu City ; habang bumababa naman ang kaso sa Negros Oriental.

Facebook Comments