DAWIT │PNP-AKG, pumalag sa banta ng NBI na kakasuhan ang PNP

Manila, Philippines – Dumepensa ang PNP-Anti Kidnapping Group sa banta ng National Bureau of Investigation na posibleng pagsasampa ng kaso kay PNP Chief Ronald Dela Rosa dahil sa pagdawit nito sa ilang NBI agents sa pagdukot sa ilang Koreano sa Angeles City Pampanga.

Ayon kay PNP-AKG Director Ssupt. Glenn Dumlao, dapat munang ikunsidera ng NBI Chief kung totoong may nangyaring kidnapping, dahil may complainant, may biktima, may arestadong mga suspek, at maging ang Korean embassy ay sumulat sa PNP kaugnay ng kidnap for ransom incident.

Paliwanag ni Dumlao, hindi “imagination” ng PNP na madawit ang NBI sa kaso dahil ang impormasyon ay nanggaling sa judicial confession ng isa sa mga arestadong Korean suspects na si Kim Min Kwan.


Sinabi pa ni Dumlao, ang suspek ang tumukoy sa mga umanoy kasamahan nila na mga taga NBI at ito ang pinagbasehan ni PNP Chief.

Dagdag ni Dumlao, sa panig ng PNP, ito ay alegasyon ng suspek, na kanila lamang inilahad, at ibinigay na nila ang impormasyon sa DOJ para ito ay aksyunan.

Hamon ni Dumlao sa NBI, kung talagang anghel ang lahat ng taga-NBI ay dapat iharap nila ang mga sinasabing NBI agents na umano’ sangkot sa KFR group upang linisin ang kanilang pangalan.

Facebook Comments