Manila, Philippines – Sinimulan na ng National Citizens Movement For Free Elections (NAMFREL) ang kanilang imbestigasyon sa umano’y iregularidad noong election 2016.
Ayon kay Gus Lagman, chairman ng NAMFREL, nakita rin nila sa kanilang forensic study ang sinabing IP address ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto III.
Pero kailangan pa aniya nilang matiyak kung anong datus ang na-transmit ng vote counting machine bago pa man magsimula ang botohan noong May 9, 2016.
Gayunman, wala pa aniyang ebidensyang magpapatunay na nagkadayaan noong 2016.
Paglilinaw naman ni Liberal Party Vice President For External Affairs Lorenzo Tañada, hindi naging bahagi ng anumang pandaraya ang kanilang partido.
Aniya, nais rin nilang malaman ang resulta ng imbestigasyon.
Una na kasing sinabi ni House Minority Leader Rep. Danilo Suarez na LP ang nakinabang sa dayaan noong eleksyon.