Dayalogo sa motorcycle riders, gaganapin sa Senado ngayong araw

Manila, Philippines – Alas nuwebe ngayong umaga nakatakda ang dayalogo sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at motorcycle riders.

Inorganisa ni Senator JV Ejercito ang dayalogo bilang tugon sa pagpalag ng mga motorcycle riders sa itinatakda ng Motorcycle Crime Prevention Act na dapat lagyan din ng plaka ang harapan ng motorsiklo.

Nauunawaan ni Ejercito ang sentimyento ng mga motorcycle rides na lubhang delikado ang paglalagay ng metal plate sa harap ng motorsiklo dahil posibleng kumalas ito at makapinsala o makasakit.


Ayon kay Ejericto, kailangang magkausap ang magkabilang panig para maging katanggap tanggap sa bawat isa ang Implementing Rules and Regulations o IRR na gagawin para pagpapatupad ng bagong batas.

Kabilang sa mga ipinatawag ni Ejericto ay ang mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga kinatawan ng iba’t-ibang motorcycle riders.

Ang Motorcycle Crime Prevention Act na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ipinasa ng Kongreso bilang solusyon sa tumataas na bilang ng krimen na kagagawan ng mga riding in tandem.

Facebook Comments